Mag-utol kulong habambuhay
BULACAN, Philippines - Habambuhay na pagkabilanggo ang hatol ng mababang korte laban sa magkapatid na lalaki matapos mapatunayang pumatay sa dalawa-katao sa bayan ng San Miguel, Bulacan may walong taon na ang nakalipas.
Sa 4-pahinang desisyon ni Judge Basilio R. Gabo Jr. ng Malolos City Regional Trial Court Branch 11, bukod sa habambuhay na pagkakulong ay pinagbabayad ng korte ang mga akusadong sina Reynaldo Del Rosario, 48; at Ranger Del Rosario, 37, ng P250,000 bilang danyos perwisyo sa mga naulila ng mga biktimang sina Rodelio Santos at Reymundo Baltazar na kapwa nakatira sa Barangay Poblacion sa bayan ng San Miguel.
Base sa record ng korte, pinagbabaril ng mga akusado ang dalawang biktima habang nag-iinuman sa Barangay Poblacion noong Marso 2, 2004.
Binalewala ng hukuman ang alibi ng mga akusado bagkus ay binigyang timbang ang salaysay ng mga testigo sa krimen.
Awtomatikong inaapela ng mga akusado ang kanilang kaso sa Court of Appeals para rebisahin ang naging desisyon ng nasabing hukom.
- Latest
- Trending


















