Coast Guard Auxiliary District sa KIG, activated na
MANILA, Philippines — Binuksan na ng pamahalaan ang Coast Guard Auxiliary District sa Kalayaan Island Group (KIG).
Mismong si Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang nanguna sa activation ceremony, gayundin sa oath-taking ng mga bagong miyembro ng auxiliary group.
Nabatid na ang mga bagong PCG Auxiliary members ay pinangungunahan ni Kalayaan Municipal Mayor Beltzasar “Billy” Alindogan, kasama ang mga guro, miyembro ng local disaster council, at iba pang opisyal ng Kalayaan local government unit (LGU).
Ayon kay Gavan, ang aktibasyon ng auxiliary district sa Pag-asa Island ay nangangahulugan na ang mga sibilyan sa Kalayaan ay katuwang na ng PCG.
Aniya pa, ang bolunterismo ay hindi lamang tungkol sa pagresponde sa mga emergency kundi pagpapakita rin sa buong mundo na ang mga Pinoy ay naninirahan at nagsisilbi sa naturang lugar at patuloy na puprotektahan ang ating mga pagmamay-ari.
Ang KIG ay isang grupo ng mga isla at iba pang maritime features sa Spratly Islands na pinangangasiwaan ng Pilipinas, bilang bahagi ng Palawan.
Gayunman, malimit itong maging lugar ng kumprontasyon, na kinasasangkutan ng mga barko ng China, sa gitna ng sigalot na may kinalaman sa West Philippine Sea (WPS).
Samantala, sa nasabi ring aktibidad, kinilala at pinarangalan ni Gavan ang mga tauhan ng PCG na agarang rumesponde sa hinihinalang blast fishing incident malapit sa Pag-asa Island noong Oktubre 4.
- Latest






















