Bala sa pusa sa alalay tumama
TUGUEGARAO CITY, Philippines – Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay ang provincial board member ng 2nd district sa Cagayan matapos pagbabarilin ang pusa na tumangay ng kanyang ulam subalit sa alalay niya tumama ang mga bala kamakalawa sa Barangay Caggay sa Tuguegarao City.
Nabatid na nagngingitngit si Board Member Joseph Llopis, 42, na hinabol pa ang pusa sa bakuran ng kapitbahay nito saka pinagbabaril.
Nang mahimasmasan si Llopis, nagtaka ito kung bakit biglang hindi na niya mahagilap ang bodyguard na si Ferdinand Tapwa, 47.
Huli na nang matagpuan si Tapwa na duguang nakabulagta sa halamanan na may mga tama ng bala sa leeg.
Pinaniniwalaang isa sa mga balang ligaw na pinaputok ng bokal ang pumatay sa kanyang alalay. Sumuko naman sa pulisya si Bokal Llopis.
- Latest
- Trending
















