Pakistani dakma sa pekeng gamot
MANILA, Philippines - Nalansag ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang notoryus na counterfeit drug syndicate matapos madakma ang 54-anyos na Pakistani sa inilatag na operasyon sa bayan ng Bacoor, Cavite kamakalawa.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang suspek na si Mohammaed Yousof alyas Usuf Ali ng Block 5, Lot 31, Rosewood Blvd., Rosewood Village, Barangay Niog 2, Panapaan, Bacoor.
Patuloy namang tinutugis ang dalawa pa nitong kasamahan na sina Nasser Ali alyas Mohammed Nasser Ali at Mohammed Faisal Ali alyas Faisal Ali na sinasabing nakatunog sa inilatag na operasyon.
Ayon sa ulat, bandang alas-6 ng gabi nang salakayin ang bahay ng tatlo ng PNP-CIDG operatives sa pangunguna nina Batangas CIDG sa pamumuno ni P/Chief Insp. Jay Agcaoili at Cavite CIDG sa pamumuno naman ni SPO3 Roland Costalis bitbit ang search warrant na inisyu ni Judge Cesar Mangrobang ng Imus Regional Trial Court (RTC) Branch 22.
Nasamsam sa suspek ay 10-piraso ng transparent plastic bag na naglalaman ng mga pekeng gamot na ibenebenta sa merkado na lubhang delikado sa kalusugan.
Kabilang sa mga nakumpiskang pekeng gamot ay 500 piraso ng Loperamied diatabs, 25-piraso ng Cycotec na tig 200mg tableta, 36 pirasong paracetamol Biogesic, 90 pirasong mefenamic acid, 5 kahon ng Roxithromycin, 57 pirasong Dermotave ointment, 52 piraso ng stresstabs at iba pa.
Nasamsam rin ang 24-piraso ng kulay dilaw na tamper proof resistance seal, laptop, desktop computer na may printer at Grandia na gamit sa modus operandi.
Nakumpirma namang mga peke ang gamot matapos na sumailalim sa pagsusuri ng Food and Drugs Administration.
- Latest
- Trending