Grade 1 pupil, tepok sa tuklaw ng cobra
MANILA, Philippines — Nagdadalamhati ang pamilya ng isang Grade 1 pupil matapos na tuklawin ng cobra nitong Lunes sa lalawigan ng Bukidnon.
Kinilala ang biktima na si alyas “Yuri”, 6 anyos, residente ng Dangcagan City, Bukidnon.
Sinabi ng tiyahin ng biktima na si Mildred Raymundo na nakatago sa kahon ng mga laruan ang nasabing makamandag na ahas.
Naglalaro ang bata sa loob ng kanilang bahay nang biglang bumulaga ang cobra at kinagat ang biktima.
Mabilis na dinala sa ospital ang biktima at tinangka pang isalba ng mga doktor subalit binawian din ng buhay.
Nabatid na unang dinala ang biktima sa isang ospital sa Bukidnon subalit dahil sa kawalan ng anti-venom vaccine inilipat ito sa Cagayan de Oro City.
Dismayado naman ang pamilya ng biktima sa kakulangan ng anti-venom vaccine sa Bukidnon. Madalas anila ang insidente ng snake bite sa lalawigan subalit kulang sa bakuna.
- Latest