1 milyong Albayano nasa peligro sa bagyong Pepito
Preemptive/force evacuation isinagawa
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Aabot sa isang milyong residente mula sa iba’t ibang bayan ng Albay ang namemeligro sa paghagupit ng bagyong Pepito.
Ayon kay Provincial Engineer Dante Baclao, officer-in-charge ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (APSEMO) base sa datos ng kanilang opisina sa nakaraang mga bagyo ay umaabot sa 172,258 na indibidwal o 51,368 pamilya na nasa palibot ng bulkang Mayon ang kanilang inililikas dahil sa banta ng pagragasa ng lahar.
Hindi naman bababa sa 400-libo katao ang nasa mga lugar na nasa peligro ng pagbabaha; 168-libo ang nasa peligro ng mga pagguho ng lupa o landslides; at halos mahigit 300-libong residente na nasa mga baybaying dagat ang kailangang ilikas dahil sa banta ng daluyong o storm surge.
Katuwang ang iba’t ibang ahensya lalo na ang Police Regional Office (PRO)-5, Philippine Army, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Office of Civil Defense 5, Philippine Navy, DSWD, DPWH, DOH at iba pa ay pipilitin ng lalawigan na maabot ang “zero casualty” goal.
Maghapon kahapon ay isinagawa ang preemptive evacuation at force evacuation sa ilang residente na ayaw lumikas at binigyang diin na hindi na sila magpapalabas ng responders sa panahon mismo ng pagbayo ng bagyo.
- Latest