2 killer ng tabloid reporter arestado
RIZAL, Philippines - Naaresto na ng pulisya ang dalawa sa limang pangunahing suspek na responsable sa pagpatay sa tabloid reporter ng People’s Balita na si Edwin Perez matapos na mangholdap ng pampasahero jeepney sa Antipolo City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/ Senior Supt. Rolando Anduyan, Rizal PNP director ang mga nadakip na suspek na si Jeffrey Montez, 21; at Mark Anthony Arabia, 20, kapwa miyembro Sputnik Gang.
Ayon sa police report, ganap na alas-2:10 ng madaling araw nang holdapin ng dalawang suspek ang driver ng pampasaherong jeepney at tatlong sakay nito sa Lower East Kamias, Barangay Sta. Cruz, Antipolo City.
Matapos ang holdapan ay agad na nakapagsumbong sa pulisya ang mga biktimang sina Dana Bernaid, Anna Benigla at si Roger Caverte kaya nagsagawa ng manhunt operation na nagresulta ng pagkakadakip sa dalawa.
Sa presinto, inamin ni Montes na siya ang sumaksak at nakapatay kay Perez matapos na nanlaban at tumangging ibigay ang kanyang pera at susi ng motorsiklo noong Huwebes ng gabi sa paradahan ng traysikel sa Sitio Aringit, Barangay San Isidro, Antipolo City.
- Latest
- Trending