Pagpapasabog sa tulay nasilat
ISABELA, Philippines - Napigilan ang pagpapasabog sa importanteng tulay sa Isabela matapos matagpuan ng mga awtoridad ang bomba sa ilang haligi ng tulay sa Barangay Dibuluan, bayan ng Jones kamakalawa. Sa ulat na ipinabatid ni P/Senior Supt. Franklin Mabanag, ilang claymore mines na natagpuan ng ilang residente ay nakadikit sa mga haligi ng Nabalin Bridge. Ayon sa imbestigasyon, nakakabit na sa kable ang detonating at blasting device ang bomba kung saan maaring pasabugin anumang sandali, ayon sa pahayag ng pulisya. Nabatid na ang nabanggit na claymore mines ay pangkaraniwang ginagamit ng mga New People’s Army sa kanilang pagsalakay sa mga convoy ng puwersa ng pamahalaan. Ang mga bomba ay kasalukuyang sinusuri ng mga tauhan ng bomb and ordinance experts ng 5th Army Division sa Camp Melchor dela Cruz sa bayan ng Gamu.
- Latest
- Trending