Pekeng BIR employee huli sa extortion
CAMARINES NORTE ,Philippines – Bumagsak sa mga elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pekeng empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) makaraang ireklamo ito ng pangongotong ng isang accounting clerk sa isang gasolinahan sa bayan ng Pili, Camarines Sur kamakalawa.
Mabilis na naaresto ng NBI- Bikol ang suspek na si James Mangrobang residente ng Roxas St. Caloocan City matapos ang isinagawang entrapment operation. Batay sa salaysay ng biktimang si Mary Ann Frial residente ng Iriga City, makailang beses na tinawagan ang kanilang opisina na nagpapakilalang empleyado ng BIR upang alamin kung kumpleto ang kanilang mga papeles sa kanilang operasyon ng gasoline station. Noong una ay nakapagbigay ng halagang P15,000 ang biktima matapos na takutin, gipitin at pagbantaan na ipapasara ang gasolinahan. Dahilan sa wala ang may-ari nagawang makipagkita ng biktima at ibinigay ang hinihinging halaga.
Nagsuplong ang biktima sa NBI matapos magduda sa suspek hanggang sa masakote ito sa entrapment operation.
Nakatakdang sampahan ng kasong robbery extortion at usurpation of authority ang pekeng BIR employee na napag alaman na marami ng nabibiktimang mga negosyante sa rehiyon ng Bikol.
- Latest
- Trending