Cavite landslide: 3 obrero patay, 1 na-rescue

CAVITE , Philippines — Tatlong obrero ang kumpirmadong patay habang isa ang matagumpay na nasagip sa pahirapang search and rescue operations ng mga awtoridad nang magkaroon ng landslide sa construction site sa boundary o pagitan ng bayan ng Silang at Tagaytay City, dito sa lalawigan, kamakalawa.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Director Police Col. Ariel Red, alas-10 ng umaga nitong Huwebes habang kasagsagan ng malakas na ulan nang biglang gumuho ang lupang kinatitirikan ng barracks ng mga trabahador sa isang construction site sa Brgy. Cabangaan-Iruhin west Silang-Tagaytay City.
Natabunan dito ang apat na construction worker na kasalukuyang mga nagpapahinga ng mga oras na iyon.
Kinilala ang mga obrero sa mga pangalang Jose, Nonong Armand at Mark, pawang mga stay in worker sa lugar.
Agad na nagsagawa ng rescue operation ang grupo ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Tagaytay, Tagaytay City Rescue, Tagaytay City LGU, Silang Police, Silang LGU, CPMFC Cavite, mga barangay officials ng Cabagaan, Silang, BFP-Silang at Silang Rescue kung saan unang naiahon ang katawan ng biktimang si Jose na himalang nabuhay kaya agad itinakbo sa pagamutan at ngayo’y inoobserbahan.
Sumunod na narekober ng mga rescuers ang katawan ng biktimang si alyas “Nonong” na wala nang buhay.
Sa pagpapatuloy ng paghahanap at paghuhukay sa lupang gumuho gamit din ang mga backhoe, bandang alas-9 ng umaga kahapon nang magkasunod na narekober ang katawan ng dalawa pang biktima na sina alyas “Armand” at “Mark” na kapwa wala na ring buhay.
Ayon sa mga rescuers, nahirapan sila sa ginawang search and rescue operation dahil na sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na tuluyang nagpalambot sa mga lupa sa lugar kung kaya natagalan ang kanilang paghuhukay.
- Latest


















