7-anyos tusta sa sunog sa Cavite

CAVITE, Philippines — Kasabay ng pagbuhos ng malakas na pag-ulan, isang sunog ang sumiklab na ikinasawi ng isang 7-anyos na batang lalaki nang ma-trap sa loob ng kanilang tahanan kamakalawa ng gabi sa Brgy. Sampaloc 2, lungsod ng Dasmariñas.
Sa naantalang ulat ng Cavite Provincial Police Office (PPO), nabatid na alas-9:14 ng gabi nang magsimula ang sunog sa Bucal 2, Brgy. Sampaloc 2 sa bahay na pag-aari ng isang alyas “Leon” at inuupahan ng isang pamilya.
Ayon sa pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa electrical outlet na biglang sumabog at mabilis na kumalat ang apoy sa tinitirhan ng pamilya ng biktima.
At dahil sa maulan ng mga oras na iyon, kahimbingan ng tulog ng pamilya kasama ang batang biktima na si alyas “Luke”, 7-anyos, estudyante.
Sinasabing nabigo nang iligtas ang bata dahil sa malaki na ang apoy sa loob ng kanilang bahay hanggang sa kasamang masunog.
Nadamay naman ang mga kalapit na bahay nang mabilis na kumalat ang apoy.
Mahigit sa 4 na oras bago tuluyang naapula ang sunog.
Dahil sa insidente, hindi bababa sa 10 pamilya ang nawalan ng tirahan.
- Latest
















