2 holdaper dedo sa engkuwentro
RIZAL, Philippines – Bumulagta ang dalawang lalaki na sinasabing nangholdap sa burger machine makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa bahagi ng Sitio Tapayan, Barangay San Juan sa bayan ng Taytay, Rizal kahapon ng madaling-araw.
Kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan ng dalawang holdaper na nakumpiskahan ng dalawang baril at motorsiklo na ginamit sa krimen.
Bago mapatay ang dalawa ay sinasabing hinoldap muna ang tatlong kawani ng burger machine na sina Mark Kenneth Delos Santos, Sarah Jane Salidaga, at si Ernestine Payte.
Sinasabing umorder pa ng burger ang dalawa at sa halip na magbayad ay hinoldap pa ang tatlong tindera.
Kaagad naman naipaabot sa pulisya ang insidente kaya inilatag ang follow-up operation hanggang sa mamataan ang dalawa na lulan ng motorsiklo.
Sa halip na sumuko ay nakipagbarilan pa ang dalawa laban sa pulisya hanggang sa mapatay.
- Latest
- Trending