Remittance center hinoldap
BULACAN ,Philippines — Isa na namang sangay ng remittance center ang nilooban ng dalawang ‘di-kilalang lalaki kung saan tatlong customer at tatlong kawani ang hinoldap kahapon ng umaga sa MacArthur Highway sa Barangay Wawa sa bayan ng Balagtas, Bulacan.
Kabilang sa mga naging biktima ng holdap ay sina Eulogio Lofranco, 50, ng Bulakan, Bulacan; Cynthia Calonzo, 31, ng Guiguinto; Mary Rose Castro ng Pandi; ang tatlong kawani ng LBC Remit Express. Base sa imbestigasyon ni SPO1 Roberto Santos, kasalukuyang nakikipagtransaksyon ang tatlong kostumer nang biglang pumasok ang dalawang lalaki na may suot na helmet kung saan nagdeklara ng holdap.
Hindi naman nakapalag ang mga biktima laban sa dalawang armadong lalaki kung saan nilimas ang mga personal na gamit at pera ng anim saka tumakas sakay ng motorsiklo.
Pinaniniwalaang kawalan ng kaukulang seguridad partikular na ang pagtatalaga ng segurity guard at CCTV camera ang isa sa dahilan kaya nagaganap ang holdapan sa ilang remittance center.
- Latest
- Trending