Mag-utol nalunod sa palaisdaan
CEBU CITY, Philippines – Gumuho ang matayog na pangarap ng mga magulang sa kanilang anak na mag-aaral sa elementarya makaraang malunod ang mag-utol na lalaki sa palaisdaan sa Sitio Nangkaan, Barangay Perrelos sa Carcar City, Cebu noong Linggo ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina James Lloyd, 8, Grade 2; at Renz Sarsaba, 6, Grade 1 sa Perrelos Elementary School.
Ayon kay SPO1 Reynaldo Fuentes, bandang alas-6 ng gabi nang mapansin ng amang si Adonis na nawawala ang kanyang mga anak.
Nabatid na iniwan sa bahay ang mag-utol ng kanyang mga magulang na nagtungo sa Barangay Poblacion para bumili ng mga gamit sa eskuwela.
Nang hindi mahanap ang mag-utol ay napilitan ang ama na humingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay.
Dahil sa pagnanais na makita ang dalawang anak ay minabuti ng ama na mag-check sa binabantayang palaisdaan kung saan natagpuan ang dalawa na nakalutang.
May teorya ang pulisya na tinangkang sagipin ni James ang kanyang utol subalit nalunod din sa palaisdaan. Freeman News Service
- Latest
- Trending