3-anyos utas sa baril ng ama
MANILA, Philippines – Isang tama ng bala sa dibdib ang kumitil sa buhay ng isang batang babae makaraang pumutok ang baril ng ama nitong pulis sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Prieto Diaz, Sorsogon kamakalawa.
Naisugod pa sa Sorsogon Provincial Hospital subalit idineklarang patay si Princess Claire Rannielle Penaroyo, 3. Nahaharap naman sa kasong illegal discharge of firearm si PO1 Ranillo Penaroyo, 29, at bagong graduate sa Police Security Battalion Regional Course.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa inuupahang kuwarto ni PO1 Penaroyo bandang alas-9 ng umaga.
Napag-alamang may kausap sa labas ng kanilang bahay si PO1 Penaroyo nang umalingawngaw ang malakas na putok ng cal. 45 pistola.
Napatakbo papasok ng bahay si PO1 Penaroyo at bumulaga sa kaniya ang anak na nakabulagta at umaagos ang dugo sa kaliwang dibdib.
Lumilitaw na nakalagay sa bag na nakasabit sa dingding ang kanyang service firearm kung saan maaring sinungkit ng bata habang nilalaro ng nakababata nitong kapatid.
- Latest
- Trending