8 sekyu ni Mayor Ampatuan dinisarmahan
MANILA, Philippines – Dinisarmahan ng mga operatiba ng pulisya ang walong security guard ni Mayor Reshal Ampatuan matapos ang komosyon sa pagitan ng grupo ng mga demonstrator na nagra-rally sa bayan ng Datu Unsay Ampatuan, Maguindanao kamakalawa. Sa ulat ng Police Regional Office –Autonomous Region in Muslim Maguindanao, bandang alas-2:50 ng hapon nang sumiklab ang tensiyon sa pagitan ng walong sekyu ni Mayor Ampatuan at ng grupo ng raliyista sa bisinidad ng munisipyo ng Datu Unsay.Nabatid na ang mga sekyu ay mula sa Savior Weapons and Tactics Security Agency na pawang nagsisilbing security escorts ni Mayor Ampatuan.Nag-ugat ang salpukan ng magkabilang panig matapos na tanggalin ng mga sekyu na pawang armado ng M16 Armalite rifle at MP5 submachine gun ang mga streamers na idinikit ng mga raliyista sa bakod ng naturang munisipyo. Mabilis namang nagresponde ang mga elemento ng Technical Support Platoon at iba pang units ng pulisya na inawat ang magkabilang panig. Inimbitahan naman ang mga guwardiya sa himpilan ng pulisya para imbestigahan sa pakikipagbanggaan sa mga demonstrador. Nang maberipikang paso na ang lisensya ng baril ng nasabing mga guwardiya ay agad na kinumpiska ang anim na MP5 at dalawang M16 Armalite rifles.
- Latest
- Trending