P2-M ari-arian sinunog ng NPA
MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P2 milyong halaga ng ari-arian ang winasak makaraang sumalakay at manunog ang mga rebeldeng New People’s Army sa compound ng Metal Corporation sa Barangay Taguibo, Mati, Davao del Norte kamakalawa.
Dinisarmahan ang security guard na si Teogenes Acidilla at kinumpiska ang lahat ng cellular phone ng mga kawani.
Hindi pa nakuntento, binuhusan ng gasolina at sinilaban ang dilaw na Saddam truck (LFX-950) at puting multicab (YGJ-665) saka tinangay ang dalawang handheld radio, mining compass, 50 meter steel measuring tape, canon scanner at yunit ng computer.
Kinomander ng grupo ni Danilo Nodalo alyas Kumander Benjie ang Toyota Hi Lux pick-up na pag-aari ng Quest Exploration Development Corp. na nakaparada sa compound bago sinunog sa likuran ng Taguibo Elementary School.
Nabatid na pangingikil ng revolutionary tax ang isa sa motibo ng pananabotahe.
- Latest
- Trending