23 sugatan sa paputok sa Quezon
LUCENA CITY, Philippines — Umabot na sa 23 ang naitalang kaso ng firecracker-related injuries sa buong lalawigan ng Quezon sa pagsalubong ng bagong taon base sa inilabas na impormasyon ng Quezon Provincial Health Office na makikita sa kanilang official FB page.
Batay sa datos na simula Disyembre 21, 2024 hanggang Enero 2, 2025 ng alas-6 ng gabi ay umabot sa dalawampu’t tatlo (23) ang kaso ng firecracker-related injuries ang nakalap ng Quezon Provincial Epidemiology and Surveillance Unit.
May pinakamaraming kasong naitala sa lungsod ng Lucena (7) na sinundan ng mga bayan ng Mauban (3), Sariaya (3), Atimonan (2), Candelaria (2), Tiaong (2), Calauag (1), Lopez (1), Sampaloc (1), at San Narciso (1).
Labing-anim sa mga naitalang kaso ay nasabugan ng paputok habang ang pito ay nagtamo ng pinsala sa mga mata kung saan 22 rito ay pinauwi na matapos mabigyan ng agarang lunas habang isa ang kinailangang i-confine dahil sa tindi ng pinsalang natamo.
Ang pinakamaraming biktima ay kalalakihan na may 20 bilang habang ang kababaihan ay tatlo ang naitala.
Pinakamarami namang firecracker-related injuries ay dulot ng kwitis na may walong bilang, na sinundan ng hindi matukoy na paputok (6), boga (4), 5 start (1), fountain (1), judas belt (1), labintador (1), at plapla (1).
Labing-lima sa mga kaso ng FWRI ay nangyari sa bahay ng biktima habang walo ay naganap sa lansangan.
- Latest