4 patay sa road mishap
MANILA, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa nalalapit na Kapaskuhan laban sa apat-katao habang walong iba pa ang nasugatan makaraang mabangga ng pampasaherong jeepney ang motorsiklo bago nito sinuwag ang punungkahoy sa gilid ng highway ng Alubijid, Misamis Oriental kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Eddie Magsalay, driver ng motorsiklo at retiradong pulis; Sonny Boy Bacadon, driver ng jeepney; anak nitong si Leo Bacadon, 5; at pasaherong si April Poblete.
Sugatang naisugod sa Northern Mindanao Medical Center sina Lucita Namocot, Emily Bustamante, Geraldine Vanye, Josal Caballero at iba pang hindi natukoy ang pagkakakilanlan.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-8:25 ng gabi nang maganap ang road mishap sa national highway sa Brgy. Laguilod sa nasabing bayan.
Lumilitaw na magkasunod na tumatahak sa nabanggit na lugar ang motorsiklo at jeepney nang maganap ang aksidente.
Sumabog ang isa sa mga gulong ng jeepney kaya sumalpok ito sa sinusundang motorsiklo bago binangga ang puno.
- Latest
- Trending