10-anyos tinodas ng amang adik
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Pinaniniwalaang naburyong dahil sa bawal na droga ang isang amang naging overseas Filipino worker (OFW) sa Japan matapos nitong pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang kaniyang 10-anyos na anak na lalaki sa bayan ng Tiaong, Quezon kamakalawa.
Batay sa ulat, kinilala ang napatay na bata na si Daniel Carlo Sulla, Grade 5 pupil sa Grabsum School Inc. sa bayan ng Candelaria, Quezon.
Nahaharap sa kasong parricide ang ama na si Danilo Umali y Torres, 38, ng Barangay Lagalag sa bayan ng Tiaong, Quezon.
Nabatid na itinigil ang sustento sa bata ng kanyang ina na nasa Japan kaya nagbunsod para patayin ng suspek ang kanyang anak.
Sinasabing nag-Japan ang mag-asawang Umali subalit pinauwi ang lalaki dahil sa pagkalulon sa bawal na droga.
Bandang alas-4:30 ng madaling-araw nang makatanggap ng tawag sa telepono ang pulisya hinggil sa pananaksak ng ama sa sariling anak.
Natagpuan ng pulisya ang bangkay ng bata na nakahiga sa kama at tadtad ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa salaysay ng ina ni Danilo na si Rufina Umali, naalimpungatan siya sa pumapalahaw na iyak ng kanyang apo na sumisigaw ng saklolo.
Pinakahuling katagang narinig ng matanda ay - si Daddy naman sinasaksak ako, bago nalagutan ng hininga ang bata.
Bumungad sa matanda ang nakahandusay na katawan ng apo habang hawak naman ng suspek ang kutsilyong ginamit sa krimen.
Kusang loob naman sumama sa pulisya ang suspek na nanlulumo sa nagawang krimen.
- Latest
- Trending




















