3 kidnaper ng Tsino nadakma
MANILA, Philippines - Tatlong kalalakihan na sinasabing sangkot sa pagdukot sa negosyanteng Tsino ang naaresto ng pulisya sa inilatag na checkpoint sa Simuay Bridge sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguin danao kamakalawa.
Pormal naman kakasuhan ni Police Regional Office12 Director P/Chief Supt. Felicisimo Khu, ang mga suspek na si Faisal Mamalangkas Salik, Julkarnain Salik, at si Anwar Isla Rakman.
Bandang alas-11:30 ng umaga nang pahintuin ng Joint Task Force12 at pulis-Cotabato sa pamumuno ni P/Senior Supt. Willie Dangane, ang mga suspek na lulan ng motorsiklo.
Si Faisal ay kabilang sa pugante noong Pebrero 2007 sa Cotabato Provincial Jail sa Brgy. Amas, Kidapawan City kung saan pinatakas matapos salakayin ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front.
Napag-alamang si Faisal ay miyembro ng Saudi Kasan kidnap-for-ransom group ni Mayangkang Saguile na sangkot sa pagdukot sa negosyanteng si Nelson Tan Tay noong Agosto 16 sa Cotabato City.
Pinalaya ang trader pagkalipas ng 3-araw sa hangganan ng Sultan Kudarat, Maguindanao at Pigcauayan, North Cotabato matapos na magbayad ng ransom ang pamilya nito.
- Latest
- Trending



















