Holdaper bulagta sa pulis
QUEZON, Philippines – Bumulagta ang isang holdaper matapos makipagbarilan habang arestado naman ang tatlo pang kasamahan matapos pumalag ang isang pulis na pasahero ng bus na kanilang hinoldap sa Brgy. Lalig ng bayan ng Tiaong, Quezon, kamakalawa ng gabi. Napuruhan ng bala ng baril sa ulo si Jar Ranz, habang naghihimas naman ng rehas na bakal ang mga kasamahang sina Ralph Vargas,18, ng Bulacan; Emmanuel Ilagan, 18; at John Ortiz, kapwa residente ng Las Piñas City. Nabatid na patungong Lucena City ang JAC Liner Bus (TXU-403) nang magdeklara ng holdap ang apat na lalaki. Subalit lingid sa apat ay pasahero si PO2 Marun Musni Marcos kung saan nakatiyempung putukan si Ranz pagsapit ng bus sa bahagi ng Barangay Lalig. Hindi na nakapalag ang tatlo pang suspek nang magresponde ang pulisya sa pamumuno ni P/Supt Ronie Miralles.
- Latest
- Trending