Killer ng ex-brodkaster nadakma
MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isa sa apat na pangunahing suspek sa pagpatay sa dating brodkaster sa Kalinga noong Sabado (Hulyo 3), ayon sa ulat kahapon.
Sumailalim na sa tactical interrogation si Edwin Guiawal na itinuturong pumatay kay Jose Daguio, 75, reporter/commentator ng Radyo Natin at residente ng Barangay Tuba sa bayan ng Tabuk, Kalinga. Ayon kay P/Senior Supt. Agrimero Cruz, bukod kay Guiawal itinuro rin ng ibang testigo ang mga suspek na sina Edmund Bilog, Lando Bilog, at Daldin Guiawal na ngayon ay tugis ng pulisya.
Ayon kay Cruz, pinatay si Daguio dahil sa mga naisiwalat nito laban sa grupo ni Guiawal na sangkot sa cattle rustling at pagnanakaw.
Bago ang pagpatay kay Daguio, ang Guiawal brothers ay may standing warrants of arrest sa kasong double murder kung saan itinuturing ang nasabing grupo bilang professional killers.
Si Daguio na nagretiro noong 1986 ay ika-140 na sa talaan ng mamamahayag na napatay simula ng ibalik ang press freedom noong 1986.
- Latest
- Trending