Negosyo motibo sa pagpatay sa ex-brodkaster
MANILA, Philippines - Hidwaan sa negosyo ang isa sa motibo kaya napatay ang retiradong brodkaster sa Tabuk City, Kalinga noong Sabado ng gabi.
Ito ang inisyal na imbestigasyon base sa ulat ng Special Investigation Task Group Daguio na pinamumunuan ni P/Chief Supt. Villamor Bumanglag sa kaso ng pagpatay kay Jose Daguio, 75.
Ayon kay PNP spokesman P/Senior Supt. Agrimero Cruz Jr. Si Daguio na nagretiro noong 1986 sa pagiging brodkaster sa DZRK Radyo ng Bayan sa Tabuk City ay pinagbabaril sa bakuran ng kanyang tahanan sa Brgy. Tuga.
Idineklarang patay sa Kalinga Provincial Hospital ang biktima matapos tamaan ng bala ng shotgun sa dibdib.
Nabatid na ang biktima ay may proyekto sa public works project sa Tuga Waterworks System sa Brgy. Tuga, kung saan may matinding hidwaan kay Barangay Kagawad Elorde Marcelino na nag-realign sa proyekto sa deepwell project.
Kaugnay nito, ipinatawag na ng mga imbestigador si Marcelino para isailalim sa paraffin test at imbestigasyon.
Samantala, sinisilip din ang anggulong alitan sa lupa at paghihiganti sa krimen.
- Latest
- Trending