Karinderya, sinuyod ng LPG truck: 9 katao patay
MANILA, Philippines - Siyam katao ang nasawi makaraang suyurin ng isang truck na naglalaman ng LPG ang poste ng kuryente at ilang karinderya na lumikha ng sunog matapos ang malalakas na pagsabog sa bayan ng Carmona, Cavite nitong Miyerkules ng madaling-araw.
Kinilala ang mga biktima na sina James Pazcugin, 2 anyos; Jecelyn Pazcugin, Julie Ann Vergara, Joy Ann Vergara, Jeremy Vergara, Jonald Pazcugin, Darlene Roa, Jomari Pancito at Jomar Bataan.
Samantalang dalawa pa ang kritikal na nakilalang sina; Jerald Escopan at isang nakilala pa lamang sa pangalang Jenny, kapwa isinasalba sa Silang Hospital.
Inaresto naman ng nagrespondeng elemento ng pulisya ang mga truck helper na sina John Eric Esmelia at Jun Espartero na naabutan sa lugar at patuloy ang pagtugis habang tinutugis ang driver na si Merco Lachica at pahinanteng si Joel Ocawan na mabilis na nagsitakas.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, bandang alas-4 ng madaling-araw ng maganap ang malagim na insidente sa kahabaan ng Governor’s Drive sa Brgy. Bangkal ng nasabing bayan.
Ayon sa imbestigasyon, tinangka umanong mag-overtake ng Isuzu elf truck na may plakang VRA-361 na naglalaman ng 550 LPG tanks subali’t nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na aksidenteng bumangga sa dalawang poste at sa isa pang kotse sa lugar.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga tangke at gumulong sa mga bahay at karinderya saka sunud-sunod na sumabog na nagresulta sa sunog na isang oras bago naapula.
- Latest
- Trending