Pulitika, clan war motibo sa pagdukot sa anak ni Commissioner Yusoph
MANILA, Philippines - Sinisilip ngayon ng mga awtoridad ang anggulo ng pulitika at clan war sa pag dukot sa anak na lalaki ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Elias Yusoph noong Hunyo 20 sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM) Acting Director Chief Supt. Bienvenido Latag, bumuo na ng Crisis Management Committee sa pamumuno ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr. upang talakayin kung paano lulutasin ang kaso ng pagdukot sa biktimang si Noraldin Yusoph, 22.
Sinabi ni Latag, nagsasagawa na ng negosasyon ang lokal na pamahalaan kasabay ng paninindigan sa ‘no ransom policy’ sa kasong ito.
“There is negotiation but the stand of the government is no ransom policy… actually there is no ransom demand, they (suspects) are asking for the nullification of the election results,” pahayag ni Latag.
Una rito, kinontak ng mga kidnapper ang pamilya ni Commissioner Yusoph at hiningi na ibasura ang resulta ng halalan sa mga bayan ng Malabang, Picong, Taraka at Masiu, pawang sa lalawigang ito.
Inihayag ni Latag na pinalulutang lamang ng mga nasa likod ng pagdukot sa biktima na kagagawan ito ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na notoryus sa kidnapping for ransom upang ilihis ang mga awtoridad na nag-iimbestiga sa kasong ito.
Pinaniniwalaan namang isang talunang kandidato ang mastermind sa kasong ito kung saan nagi-establisa pa ng ebidensya at testigo ang mga awtoridad.
Magugunita na ang biktima ay dinukot ng mga armadong kalalakihan habang nagdarasal sa isang mosque sa Marawi City noong linggo ng gabi.
- Latest
- Trending