Mag-ina kinatay ng adik
MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-ina sa kamay ng mga adik sa bawal na droga makaraang itong pagtulungang saksakin sa loob ng kanilang tahanan kamakalawa ng gabi sa Barangay Poblacion Ilawad sa bayan ng Zarraga, Iloilo.
Nagtamo ng 33 tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Lilia Simpia habang 16 na saksak naman sa anak nitong si Ana Mae, 23.
Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang karumal-dumal na krimen sa loob ng bahay ng mag-ina sa Villar Carmela Subdivision.
Sa salaysay ng kapitbahay ng mag-ina na si Edwin Palma, narinig niyang may komosyon sa loob ng bahay ng pamilya Simpia kung saan Ilang saglit pa ay nasundan ito ng palahaw habang matindi ang kalabugan.
Sa pag-aakalang away-pamilya lamang ay hindi pinansin ni Palma subalit namataan niya sa bintana na may papalabas na sa tahanan ng mga biktima ang ilang lalaki na hindi nito namukhaan.
Naglatag na ng malawakang dragnet operation ang pulisya para maaresto ang mga suspek.
- Latest
- Trending