News team ng ABS-CBN hinaras ng Talisay mayor
BATANGAS, Philippines — Pinagmumura at itinaboy ng mayor ng Talisay ang news team ng ABS-CBN habang nagkokober ng mga kaganapan kaugnay sa pag-aalburuto ng bulkang Taal kahapon ng umaga.
Ayon kay Joan Panopio, reporter ng TV-Patrol Southern Tagalog itinaboy anya sila ni Mayor Florencio Manimtim habang kumukuha ng mga detalye sa preparasyong isinasagawa ng Municipal Disaster Coordinating Council (MDCC) sa bayan ng Talisay sa Batangas.
Nabatid na habang nag-aantay sa pag-uumpisa ng pagpupulong ng MDCC, biglang dumating ang galit na si Mayor Manimtim at pasigaw na minura ang cameraman ng ABS-CBN na si Jay Echano.
“Putang-ina n’yo binabalusabas n’yo ako! Tanggalin mo ang camera mo kung hindi ihahampas ko sayo yan!” Ito ang pasigaw ni Mayor Manimtim kay Echano na ikinagulat naman ng mga mamahayag.
Matapos murahin ang cameraman hinarap naman ni Manimtim si Panopio at sinabihang umalis na sila sa lugar dahil “hindi sila welcome” doon sabay padabog na isinara ang pintuan at bintana.
Nasaksihan naman ng mga representante ng Philippine Coast Guard, pulisya at ilang opisyal ng MDCC ang ginawang karahasan ni Mayor Manimtim sa news team ng naturang telebisyon.
Sa pahayag naman ni dating Talisay administrator at councilor-elect Eddie Panghulan, inamin naman anya sa kanya ng alkalde ang nagawang marahas na pakikiharap sa ABS-CBN dahil na rin sa sama ng loob nito sa nagawang balita noon ng network kaugnay sa planong pagtatayo ng Spa sa may bunganga ng Taal Volcano ng isang Korean company.
Mariin namang kinondena ni Renz Belda, Batangas chairman ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) at vice president for print ng Batangas News Writers Association (BNA) ang ginawang aksyon ni Mayor Manimtim.
- Latest
- Trending