Sunog: Bata natusta; ina napaanak
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 2-anyos na batang lalaki matapos makulong sa nasusunog nilang tahanan habang napaanak naman bunga ng matinding tensyon ang buntis nitong ina sa Baguio City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang natustang bata na si Wenceslao del Mundo Jr. na naiwan sa pagmamadali nang humahangos nitong buntis na ina na si Jenny del Mundo na namilipit sa sakit ng tiyan hanggang sa isugod sa Pines City Doctors Hospital.
Napaanak si Jenny bunga ng insidente at nasa ligtas ng kalagayan gayundin ang sanggol nito.
Bandang alas-5:20 ng hapon nang maganap ang sunog sa Purok Makati, Brgy. Sto. Niño Slaughter Compound sa 2-storey bank house na gawa sa kahoy at pag-aari ng local na pamahalaan ng Baguio kung saan nadamay ang mga katabi nitong kabahayan mula #14, 15 at 16.
Nabatid na ang house #16 ay tirahan ng buntis na ginang at matinding pagkabigla ay nataranta at napatakbo kung saan naiwan ang natutulog sa kabilang kuwarto na si Wenceslao.
Naapula naman ang apoy bandang alas-5:55 ng hapon at narekober ang nagmistulang uling na bangkay ng bata.
- Latest
- Trending