Lola sinunog nang buhay
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 70-anyos na lola matapos na pagnakawan ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan ay sinilaban pa nang buhay sa loob ng tahanan nito sa bayan ng Badian, Cebu, ayon sa ulat kahapon.
Sa naantalang ulat na nakarating sa Camp Crame, ang nagmistulang uling na bangkay ay nakilalang si Masing Auditor ay nadiskubre noong Huwebes ng umaga ng isa nitong kamag-anak.
Ayon sa mga imbestigador, pinaniniwalaan namang ang brutal na krimen ay naganap noon pang Miyerkules ng gabi sa Sitio Law-ang, Brgy. Tigbao matapos na pagnakawan ang matanda.
Bago ito ay nagbenta pa ng kaniyang kalabaw ang biktima na ayon sa mga kamag-anak ay siyang pinag-interesan ng mga magnanakaw.
Samantala, may posibilidad na kilala mismo ng matanda ang mga magnanakaw kaya sinilaban ito nang buhay.
Tumanggi naman ang pamilya na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng matanda.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may naganap na foul play habang patuloy ang imbestigasyon upang bigyang hustisya ang sinapit ng matanda.
- Latest
- Trending