Mga locator sa SBMA pinakalma
SUBIC BAY FREEPORT, Philippines – Siniguro ng Subic Bay Metropolitan Authority sa mga concerned locator na ang naganap na joint venture agreement sa pagitan ng nasabing ahensya at ng Harbour Center Port Terminal, Inc. (HCPTI) ay magiging patas at daraan pa rin naman sa tinatawag na Swiss challenge.
Ito ay sa kabila ng mga naglalabasang negatibong ulat sa mga pahayagan laban sa SBMA makaraang tanggapin nito ang proposal ng HCPTI na magbibigay ng garantisadong P1.5 bilyon sa bayan.
Kabilang sa mga kompanya na sinasabing nagreklamo ay ang Amerasia International Terminal Services, Inc. (AITSI), kung saan umaangal na dis-adbentahe raw ang pinirmahang joint venture ng SBMA at HCPTI na sinasabing mababa ang P1.5 bilyon.
“Para siyang manliligaw na nabasted dahil ‘di nya kayang ibigay ang mga pangako n’ya, di tulad ng HCPTI na kahit walang barkong dadaong ay magbabayad pa rin ng P40 kada metrong toneladang kulang,” pahayag ni SBMA Administrator Armand Arreza laban sa nagrereklamo na kompanyang Amerasia.
Nabatid pa kay Arreza na babayaran ng HCPTI ang halaga na nagastos ng SBMA sa mga pantalan ng Subic Bay bukod pa ang kikitain ng HCPTI na may siguradong porsyento rin ang SBMA.
“Kesa magpuputak sila sa mga dyaryo, kasuhan na lang nila kami sa korte kung me merito man ang kanilang inaangal. Kung ‘di nila kaya eh tumahimik na lang sila,” dagdag pa ni Arreza.
Kasalukuyan namang tinataasan ngayon ng Asia Terminal, Inc. (ATI) ang proposal ng HCPTI pero ayon kay Arreza, puwede pa itong tapatan ng HCPTI batay sa Swiss challenge.
Kapag walang kompanya na tumapat sa proposal ng HCPTI sa pagtatapos ng Swiss challenge sa Abril 12 ay awtomatikong sila ang hahawak ng mga pantalan ng Subic Bay Freeport. Alex Galang
- Latest
- Trending