6 pulitiko sa Region 4 may private army
CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Inamin ng mga opisyal ng Region 4 police office na minamanmanan nila ang anim na pulitiko matapos madiskubreng may private armed group (PAG) na lantarang paglabag sa pinaiiral na Omnibus Election Code kaugnay sa nalalapit na May 10 eleksyon.
Ayon kay P/Chief Supt. Rolando Añonuevo, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) police director, pansamantalang hindi pa isiniwalat sa mga mamamahayag ang pagkikilanlan ng mga pulitikong may private army na binubuo ng isa sa Laguna, dalawa sa Quezon, isa sa Cavite, isa sa Rizal at isa sa Batangas.
“Bukod sa partisan armed group, na-monitor din namin ang 10 hot spots sa buong region base na rin sa parameters na ipinalabas ng national headquarters,” ani Añonuevo.
Gayon pa man, kahit anya may mga kilala nang private armed group sa rehiyon, patuloy pa rin ang pagsasagawa nila ng aksyon para mapigilan ang election-related violence sa mga nabanggit na lugar.
Sa tala ng pulisya, noong Enero 25, 2010, nakaaresto na ng 91-katao na lumabag sa Comelec gun ban (Comelec Resolution 8714).
Kabilang sa mga nadakip ay dalawang pulis, dalawang government officials at ang kabuuan ay mga sibilyan.
Sa mga naaresto, nakumpiska mula sa mga ito ang 70 baril na binubuo ng dalawampu’t limang high-powered firearms at 46 low-powered firearms, 27 patalim, 5 granada , at 9 na kilong anti-personnel explosive. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending




















