May sakit na bihag pinalaya
MANILA, Philippines - Pinalaya na kamakalawa ng gabi ng tribal gang ang isang may sakit na hostage na kabilang sa 78-kataong binihag sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur noong Huwebes, ayon sa opisyal kahapon.
Sa phone interview, kinilala ni P/Senior Supt. Nestor Fajura, operations chief ng Police Regional Office-13 CARAGA, ang pinalayang bihag na si Nestor Ochoa, 50.
Napag-alamang pinayagan ng lider ng tribal gang na si Undo Perez na makababa na sa bundok si Ochoa matapos na mabatid na may sakit sa puso.
Noong Biyernes ng hapon ay pinalaya naman ng grupo ni Perez ang siyam pang bihag kung saan kabilang pa sa naunang pinalaya ay ang 17 mag-aaral habang nakatakas naman ang dalawang guro.
Kasalukuyan namang bineberipika ang napabalitang pagpapalaya pa ng isa pang bihag na namatayan naman ng miyembro ng pamilya.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay patuloy ang negosasyon ng Crisis Management Committee para mapalaya ang nalalabi pang 47 bihag.
Samantala, kabilang naman sa demand ng grupo ni Perez ay ang pag-aatras ng kasong kriminal tulad ng warrant of arrest sa kaso nitong murder at robbery, pag-aresto at pagdidisarma sa lider ng kalaban nilang gang, hindi sila kakasuhan ng kidnapping. Joy Cantos
- Latest
- Trending