Bus niratrat ng MILF: 2 dedo
MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang walong iba pa ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) rogue elements ang pampasaherong bus sa highway ng Barangay Salvador sa bayan ng Gutalac, Zamboanga del Norte kamakalawa ng madaling-araw. Sa ulat ng Army’s regional spokesman Major Ramon David Hontiveros, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga nasawi habang naisugod naman sa Liloy District Hospital ang mga nasugatang pasahero. Naganap ang pamamaril malapit sa bisinidad ng Canuto Enerio Elementary School. Joy Cantos
Pari hinoldap, abuloy nilimas
MANILA, Philippines - Hindi nirespeto ng dalawang kalalakihan ang isang alagad ng simbahan makaraang holdapin ang isang pari sa Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa. Lumilitaw sa police report na naglalakad si Fr. Lubin Tulas, kasama si Lea Makiling nang harangin at holdapin ng dalawang armadong kalalakihan bandang alas-12:30 ng tanghali. Napag-alamang tinangay ng mga holdaper ang P 22,000 cash at $ 8,000 na abuloy sa nasabing simbahan. Sa follow-up operations ng pulisya ay nasakote naman ang isa sa dalawang holdaper na tumanggi munang tukuyin ang pagkakakilanlan. Joy Cantos
Nagbigti dahil sa kahirapan
ZAMBALES, Philippines — Pinaniniwalaang labis na kahirapan sa buhay at tila kawalan ng silbi sa pamilya, nagdesisyong magbigti ang isang 51-anyos na lalaki noong Miyerkules ng umaga sa Zone 2, Poblacion sa bayan ng Iba, Zambales. Naisugod pa sa Pres. Ramon Magsaysay Memorial Hospital subalit hindi na umabot pa ng buhay si Roberto Calimlim ng nabanggit na bayan. Sa salaysay ng ina na si Aurelia Calimlim, 85, biyuda, dinibdib ng kanyang anak ang kahirapan na kanilang dinaranas kung saan ilang buwan na walang mapasukang trabaho ito. Napag-alamang ding dinibdib ng biktima ang pagkakaputol ng serbisyo ng kuryente sa kanilang tahanan dahil may ilang buwan na ring ‘di-nakakabayad. Randy Datu
Tower ng Napocor pinasabog
MANILA, Philippines - Patuloy na naghahasik ng terorismo ang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front renegades makaraang pasabugin ang transmission tower ng National Power Corporation sa Barangay Tingin Tingin sa bayan ng Kauswagan, Lanao del Norte kahapon ng madaling-araw. Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, pasado alas-2 ng madaling-araw nang pasabugin ang Tower 38 sa Abaga-Aurora 138 KB Line. Bagama’t sumabog, nabigo ang mga rebelde na tuluyang pabagsakin ang nasabing tore dahil tatlo lamang sa apat na ‘support structure nito ang bahagyang napinsala kayat hindi naapektuhan ang serbisyo ng kuryente sa nabanggit na lalawigan. Joy Cantos
Pulis itinumba sa tindahan
MANILA, Philippines - Isa na namang alagad ng batas ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng maskaradong lalaki sa bisinidad ng Barangay East sa bayan ng Agoo, La Union kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa likurang bahagi ng katawan si SPO4 Allan Gacutan ng PNP Region 1 at naninirahan sa bayan ng Tubao, La Union. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na kumakain ang biktima sa tindahan nang sumulpot at pagbabarilin ng nag-iisang lalaki. Joy Cantos
- Latest
- Trending