Pamilya, 4 minasaker ng mag-ama
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Naglunsad ng malawakang dragnet operation ang pulisya laban sa isang barangay councilor at ang anak nito na sinasabing nagmasaker sa apat na magkakamag-anak sa bahagi ng Tagaytay City, Cavite kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt Alfred Corpuz, Cavite police director, ang mga suspek na sina Kagawad Semproso Terrible, at Philip Terrible, kapwa nakatira sa Barangay Calabuso sa Tagaytay City.
Kinilala naman ng pulisya ang mga napaslang na sina Domingo Fajardo, 64; Magno Fajardo, 71; Lamberto Fajardo, 62; at si Alberto Parducho, 44.
Base sa ulat ng pulisya, unang pinagbabaril hanggang sa mapatay si Parducho matapos sugurin ng mag-amang Terrible ang bahay ng una.
Matapos mapatay si Parducho, isinunod namang tinungo ang bahay ng pamilya Fajardo na may 100 metro ang layo sa bahay ng una kung saan pinagbabaril din.
“Nung maubusan ng bala ‘yung mag-amang Terrible pinagsasaksak na lang nila ang mga biktima bago nagsitakas sakay ng motorsiklo,” pahayag naman ni P/Supt. Dexter Rellora, hepe ng Tagaytay City PNP.
Walong basyo ng bala ang narekober sa crime scene habang narekober din ang motorsiklo na inabandona ng mag-ama sa bisinidad ng Calamba City, Laguna.
Pinaniniwalaan naman may kaugnayan ang matandang alitan sa pamilya ang isa sa motibo sa pamamaslang.
- Latest
- Trending


















