2 dedo iniwan ni Labuyo
MANILA, Philippines - Dalawa ang iniwang patay ng bagyong Labuyo na nagdulot ng mga pagbaha sa mga lugar sa Region IV, III, VI at VII.
Sa ulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), hindi pa narerekober ang bangkay ng biktimang si Salvador Lu yas, 55, na tinangay ng tubig baha mula sa ilog sa Brgy. Nangka, Bayawan City, Negros Oriental noon pang Setyembre 2, habang ang bangkay ni Jonathan Adriano, 47, ay natagpuan noong Biyernes sa Bumbunan River, Brgy 1, Pagsanjan, Laguna dakong alas- 3 ng hapon.
Ayon kay NDCC Executive Director Glenn Rabonza, nasa 7, 556 pamilya o kabuuang 45, 239 katao ang naapektuhan sa pananalasa ni Labuyo sa 44 Barangay, dalawang lungsod at anim na munisipalidad sa Zambales, Antique, Negros Oriental at Negros Occidental.
Nasa mga evacuation centers naman ng mga nasabing lugar ang 2,228 pamilya o 9,455 katao.
Nagdulot din ng 17-oras na blackout ang lakas ng bagyong Labuyo sa Dumaguete City at walo pang lugar sa Negros Oriental ng maapektuhan ang transmission line ng National Grid Corporation of the Philippines sa Brgy. Basiao sa bayan ng San Jose.
Kabilang sa mga naapektuhan matapos na itumba ng malakas na hangin ang mga poste ng kuryente ay ang Dumaguete City, Sibulan, San Jose, ilang bahagi ng Amlan patungong Tandayag, Valencia, Bacong, Dauin, Zamboanguita at Siaton.
Taglay ni Labuyo ang lakas na 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugsong hanggang 100 kilometro bawat oras bago tuluyang lumabas ng bansa (Joy Cantos)
- Latest
- Trending