Rape suspect 'inatado'
DAET, CAMARINES NORTE, Philippines – Isang mister na suspek sa panggagahasa sa isang dalaga ang hinihinalang pinagtataga ng ilang kamag-anak ng biktima at natagpuang duguan sa isang palayan sa bayang ito.
Tatlong araw na naratay sa Camarines Norte Provincial Hospital bago ikinulong sa selda ng Daet Police kamakalawa ng umaga ang suspek na si Samuelito Villanueva, 27 anyos, residente ng Purok 5, Barangay Pamorangon dito rin sa Daet.
Lumilitaw sa pangunang pagsisiyasat ng pulisya na, noong hapon ng Hunyo 7 ng taong ito, armado ng patalim na hinarang ni Villanueva ang 18 anyos na biktimang itinago sa alyas na Maria habang naglalakad ito sa Barangay Mangcruz dito bago niya kinaladkad at ginahasa sa madamong lugar ang babae.
Lasing umano ang suspek nang mga oras na iyon at hindi makasiping sa buntis niyang asawa kaya pinagdiskitahan ang biktima.
Sinabi ni PO2 Michael Surla na nakapanlaban ang biktima at nakuha ang patalim pero na katakbo palayo ang suspek nang makilala ito ni Maria. (Francis Elevado)
- Latest
- Trending