Fan ni Hatton, bulagta sa atake
SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines – Isa pang boxing fan na pumusta naman kay Ricky “The Hitman”Hatton ang sabay na bumulagta ng kanyang idolo habang nanonood sa loob ng sabungan kamakalawa sa Barangay Roxas sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya.
Naisugod pa sa MMG Hospital subalit idineklarang patay si Mike Villaflores, 43, ng Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Napag-alamang bumulagta ang biktima nang masaksihang humalik sa luna si Ricky Hatton sa ikalawang pagkakataon ng 1st round matapos mapuruhan ng pambansang kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao.
“Lahat ng tao sa loob ng sabungan ay nagtatayuan at pumapalakpak dahil sa suntok na pinakakawalan ni Pacman maliban sa biktima na pumusta pala kay Hatton,” pahayag ni Mang Ngabit na solidong taga-hanga ni Pacquiao.
Bago nagtapos ang 1st round ng boksing ay inatake na ang biktima at kinarit na ni kamatayan sa nasabing ospital.
Nabatid na pumusta ang biktima ng malaking halaga sa kanyang idolong si Hatton, kung kaya’t nang makita na bumagsak ito sa 1st round ng laban ay natumba na rin ang biktima. (Victor Martin)
- Latest
- Trending

















