Rescue team sa Chemtrad, nagkakasakit na rin
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines – Matapos matagpuan ang bumagsak na Chemtrad aircraft noong Martes sa kabundukan ng Sierra Madre ay nagkakasakit at gutom ang dinadanas ng rescue team dahil sa kakulangan ng pagkain at gamot na mailapag sa kagubatan ng Brgy. San Miguel sa bayan ng Baggao.
Ilang araw nang pabalik-balik ang dalawang chopper kung saan namataan ang eroplano subalit bigo silang mapasok ang lugar dahil sa sobrang lakas ng hangin at kapal ng ulap sa nasabing kagubatan.
Pinag-aaralan sa ngayon kung gagawa ang mga rescue team ng landing site sa gitna ng kagubatan o bubuhatin na lang ng mga rescue team ang mga bangkay na matagpuan sa bumagsak na eroplano.
Ayon pa sa ulat, ilan sa mga ground rescue team na kinabibilangan ng mga katutubong volunteer mula sa Kalinga at tropa ng militar na unang nakakita sa bumagsak na eroplano ay nagkakasakit na rin matapos maubusan ng pagkain at mga gamot dahil sa hindi maka-landing ang mga chopper na magbibigay ng kanilang pangangailangan.
Matatandaan na nag-takeoff ang eroplano noong Abril 02 sa Tuguegarao Airport sa Cagayan sakay ang mga pasaherong sina SPO2 Rolly Castaños, Celestino Salacup, Abelardo Baggay, Joel Basilio, James Bakilan, pilotong sina Capt. Tomas Z. Yañez at si Capt. Reiner Ruiz, subalit hindi na nakarating sa destinasyon. Victor Martin
- Latest
- Trending