Shootout: 3 Bolt-Cutter Gang tumba
CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines – Nagwakas ang pagiging miyembro ng Bolt-Cutter Gang ng tatlong kalalakihan makaraang mapatay sa pakikipagbarilan sa pulisya noong Biyernes Santo ng madaling-araw sa bayan ng Imus, Cavite.
Ayon kay P/Supt. Ulys ses Cruz, hepe ng Imus PNP, nanatiling walang pagkakakilanlan ang tatlong suspek na pawang may mga tattoo sa iba’t ibang bahagai ng katawan na nakalagak na ngayon sa Alindog Funeral Homes sa bayan ng Imus.
Batay sa police report, nakatanggap ng tawag sa telepono ang Police Community Precinct 1 mula kay Chairman Dominguez ng Barangay Palico 4 tungkol sa kahina-hinalang Nissan Vannete (UMG-783) na nakaparada sa Kiddy Link Internet Café na pag-aari ni Charito Amaro.
Mabilis namang rumesponde ang pulisya at matiyempuhang papatakas na ang tatlo mula sa loob nasabing Internet café.
Napag-alamang nagkahabulan hanggang naabutan nila ang tatlo na sinasabing nakipagbarilan hanggang sa mapatay sakay ng van na may nakaw na plaka.
Narekober naman sa tatlo ang isang bolt cutter, isang cal. 38 baril, isang sumpak at dalawang granada.
- Latest
- Trending