43 Abu supporters nalambat
MANILA, Philippines – Umaabot na sa 43-katao na sinasabing taga-suporta ng mga bandidong Abu Sayyaf Group na dumukot sa tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross ang iniulat na inaresto ng mga awtoridad sa inilunsad na operasyon sa Sulu.
Ayon sa report na nakarating sa Camp Crame, ang crackdown ay alinsunod sa idineklarang state of emergency noong Marso 31 ni Sulu Governor Abdusakur Tan kaugnay ng hostage crisis.
Ayon kay P/Supt. Jose Bayani Gucela, PNP Regional spokesman, kabilang sa 43-personalidad na ina resto ay ang tatlong pulis na sina SPO3 Muhilmi Ismula, PO2 Marcial Ahajan at SPO1 Sattal Jadjuli at ilang opisyal ng mga barangay na sinasabing nakikipagsabwatan sa mga bandidong may hawak sa dalawa pang miyembro ng ICRC na sina Swiss national Andreas Notter at Eugenio Vagni habang ang Pinay na inhinyero na si Mary Jean Lacaba ay pinalaya na noong Abril 2 mula sa pagkakabihag simula pa noong Enero 15 sa Patikul, Sulu.
Nanindigan naman ang pamunuan ng AFP- Western Mindanao Command na mananatili ang kanilang deployment ng tropa sa pinagkukutaan ng Abu Sayyaf sa kabila ng tumitinding banta ng mga bandido na pupugutan ang dalawang bihag kung walang ipapatupad ng military pull-out sa nabanggit na lugar.
Samantala, kaugnay pa rin ng ipinatupad na state of emergency, nagtalaga rin si Gov. Tan ng mga babaeng pulis sa mga checkpoint upang hindi malabag ang karapatan ng kababaihan.
Magugunita na idineklara ni Tan ang state of emergency kung saan nagpatupad ng checkpoints, chokepoints, curfew at inaresto ang mga sinasabing kidnaper kabilang ang kanilang tagasuporta upang tiyakin ang proteksyon ng mamamayan ng Sulu. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending