Missing plane tukoy na
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Natukoy na ang lugar kung saan bumagsak ang nawawalang eroplano ng Chemtrad sa bulubunduking bahagi ng Maconacon, Isabela matapos unang maiulat ang biglaang pagkawala sa himpapawid kamakalawa ng umaga.
Sa panayam kahapon ng PSNgayon kay P/Chief Supt. Roberto Damian, Cagayan Valley police regional director, dalawang chopper ng mga rescue team ang lumipad kahapon mula sa Tuguegarao Airport, upang sundan ang posibleng ruta na dinaanan ng nawawalang eroplano.
Bagama’t hindi nakita ang physical na kabuuang eroplano, natukoy naman ng mga rescue team ang posibleng lugar kung saan maaring bumagsak ang nawawalang eroplano.
Nabigo naman ang rescue team ng pulisya at Phil. Air Force na pasukin ang lugar dahil sa sama ng panahon at kapal ng ulap kung kaya’t napilitan bumalik sa Tuguegarao Airport.
Ayon pa kay Damian, ilang katutubong residente ang nakarinig sa ugong ng eroplano bago ito nawala kung kaya’t natukoy na nasa nasasakupan ng Barangay Flores at Barangay Mercedes sa Maconacon, batay na rin sa kanilang isinagawang search and rescue operation.
Kabilang sa mga sakay ng eroplano ay sina Capt. Tomas Z. Yañez at co-pilot na si Capt. Ranier Ruiz, mga pasaherong sina SPO2 Rolly Castanos, Celestino Sala cup, Abelardo Baggay, Joel Basilio at si James Bakilan.
Habang sinusulat ang balitang ito, ay nagboluntaryong suyurin ang kagubatan sa kabila ng sama ng panahon ang search and rescue ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad, mga local na opisyal at mga katutubo na nakatira sa bulubundukin ng Sierra Madre. Dagdag ulat nina J. Cantos at E. Fernando
- Latest
- Trending



















