DepEd official grabe sa ambus
MANILA, Philippines - Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang isang 53-anyos na operation accountant ng Department of Education (DepEd) makaraang pagbabarilin ng mga armadong lalaki na sakay ng motorsiklo sa naganap na ambus sa bisinidad ng Lazala, Brgy. Zone 2 sa bayan ng Bangued, Abra kamakalawa. Ang biktima na nasa Abra Provincial Hospital ay nakilalang si Ramon Festejo, accountant ng DepEd sa San Fernando City, La Union at residente ng Natividad St., Brgy. Zone 2, Bangued. Isa sa mga suspek ay tinukoy ng mga testigo na si Jomar Millare. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na nag-iinuman ng alak ang biktima at mga kasamahan nito sa harapan ng bahay ni Joey Bilgera nang pagbabarilin. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. Joy Cantos
Kabesa inutas sa lamayan
ILAGAN, Isabela, Philippines – Isa na namang barangay chairman ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng mga di-pa kilalang lalaki habang ito ay nakikipaglamay sa burol ng isa niyang kaibigan sa bayan ng Alicia, Isabela. Kinilala ni P/Chief Inspector Renato Birung, ang biktima na si Chairman Eleuterio Villasana, 46, ng Barangay Bagong Sikat, ng nabanggit na bayan. Malubha naman nasugatan si Marlon Velasco na tinamaan ng ligaw na bala. Sa record ng pulisya, si Villasana ay ika-20 opisyal ng barangay na napaslang sa Region 2 sa nakalipas na dalawang taon. Victor Martin
3 ‘Acetylene Gang’ dinakma
BATAAN, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng tatlong kalalakihang sinasabing miyembro ng Acetylene Gang makaraang maaresto sa kasong snatching sa bisinidad ng Barangay Tenejero, Balanga City, Bataan kamakalawa ng madaling-araw. Pormal na kinasuhan ni P/Insp. Dennis Orbista, ang mga suspek na sina Gilford Tanglod, Ricky Mariano at si Nelson Patiti y Patani na pawang naninirahan sa Mt. Province at Baguio City. Sa ulat ni P/Insp. Ronnie Fabia, lumilitaw na imbes magsagawa ng panloloob sa isang pawnshop sa bayan ng Orani ay inagawan na lamang ng bag ng tatlo ang biktimang si Jamaica Hessil Taram. Sa follow-up operaton, naaresto naman ang mga suspek at narekober ang mga personal na gamit ng biktima Napag-alamang inamin ng mga suspek na tangka nilang looban ang isang pawnshop at itinuro ang kanilang mga gamit sa bahay ni Salvador Aswigue sa Brgy. Bagong Silang Bliss. Jonie Capalaran
- Latest
- Trending















