Parolado tiklo sa buy-bust
ORMOC CITY, Leyte – Balik-selda na naman ang isang 59-anyos na parolado makaraang madakip ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa panulukan ng Melbourne at Madrid Street sa Brgy. Doña Feliza Mejia, noong Linggo.
Pormal na kinasuhan ni P/Insp. Rio Tan, hepe ng Regional Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (RAID-SOFT), ang suspek na si Oscar Gulhoran y Cabibi ng Brgy. Tambuliliud.
Napag-alamang si Gulhoran na nabigyan ng parole noong Marso 2007 sa Muntinlupa penitentiary matapos ang 26 taong pagkakalong sa kasong murder.
Ayon kay Tan, dalawa sa mga kapatid ng suspek ay kasalukuyang nakapiit, sa Abuyog Penal Colony, at BJMP sa Ormoc City, dahil din sa pagtutulak ng droga.
Nakumpiska sa suspek ang isang motorsiklo (HH-4918), pakete ng shabu, P11,730, P500 marked money na ginamit sa operasyon, baril at iba pang personal na gamit. (Roberto C. Dejon)
- Latest
- Trending