8 kidnaper tiklo, bihag nasagip
MANILA, Philippines - Walong kidnaper kabilang ang dalawang pulis at isang abogado ang iniulat na nasakote ng mga awtoridad habang nasagip naman ang bihag na trader sa isinagawang operasyon sa Zamboanga City kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Anti-Kidnapping Task Group at Zamboanga City police chief Senior Supt. Mario Yanga, nailigtas si Eliseo Jablo, 44, may-ari ng AMR Fishing Co.
Kabilang sa mga naarestong suspek ay sina PO2 Marcial Lim, Grace Mabatam Gonzales, Joel Gonzales, Harmond Endong, Atty. Hassan Alam, Saturnino Garcia, PO3 Aldwin Abdua at si Joel Pena.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-9 ng umaga nang salakayin ng mga awtoridad ang kuta ng mga suspek sa Southcom Village, Brgy Calarian.
Magugunita na si Jablo ay kinidnap ng mga armadong kalalakihan na nagpakilalang mga bandidong Abu Sayyaf sa Barangay San Roque, noong Enero 28 kung saan makalipas ang ilang araw ay humingi ng P 20 milyong ransom. Joy Cantos
- Latest
- Trending