3 tiklo sa counterfeit
BULACAN – Tatlo-katao na pinaniniwalaang nagpapakalat ng huwad na salapi ang dinakip ng pulisya habang namimili ng sasabunging manok sa palengke ng Brgy. Biñang 2nd sa bayan ng Bocaue, Bulacan kahapon ng umaga. Pormal na kinasuhan ni P/Supt. Ronald De Jesus, ang mga suspek na sina Arnel Alcaraz ng Brgy. Karuhatan,Valenzuela City; Aron Dealagdon at Olimpio Panzuelo na kapwa naninirahan sa Brgy. Isla Puting Bato,Tondo, Manila at pawang mga taga-Calbayog, Samar. Ang tatlo ay inaresto matapos magreklamo ang tindero ng manok na si Rolly Santiago. Nakumpiska sa tatlo ang 12 pirasong P 500 at P 1000 na pawang huwad. (Romeo “Boy” Cruz)
Rapist na OFW dinakma
Cabaroguis, Quirino – Nagwakas ang siyam na taong pagtatago ng isang lalaki na sinasabing wanted sa kasong rape makaraang maaresto ng pulisya sa bayan ng Moncada, Tarlac noong Huwebes. Ang suspek na nagtrabaho pa sa Saudi Arabia para takasan ang tatlong kasong rape ay nakilalang si Robert “Jhun” Buenaventura ng Barangay Dagupan, Aglipay, Quirino at may patong sa ulo na P.5 milyon Ayon kay P/Supt. Danilo Salvador, director ng Quirino 207th Police Mobile Group, nasakote ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu Judge Moises Pardon ng Quirino Regional Trial Court Branch 31 sa tatlong kaso ng rape noong 1998. (Victor Martin)
Pulis inutas ng NPA
LEGAZPI CITY – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang alagad ng batas ng mga rebeldeng New People’s Army kamakalawa ng gabi sa Barangay Bacolod, Irosin, Sorsogon. Ang biktimang natangayan pa ng M16 Armalite rifle ay nakilalang si SPO2 Nelson Encenares. Ayon sa ulat ni P/Senior Insp. Rosilito Gapan, papasok na ang biktima sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Irosin nang harangin at ratratin. (Ed Casulla)
120 tenant nabigyan ng lupain
ISABELA – Nakinabang ang120 dating tenants sa Comprehensive Agrarian Reform Program makaraang maipamahagi ang 190 ektaryang lupain ng Hacienda Manolita kung saan nakatayo ang ancestral home ng mga Arroyo sa Barangay Payao, Binalbagan, Isabela. Dahil dito, ay nagpasalamat ang mga dating tenant ng pamilya ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pamimigay ng lupain mula sa 230-ektarya ng nabanggit na hacienda. Ang iba pang ari-arian ng mga Arroyo na naipamahagi na ay kinabibilangan ng mga asyendang Namulo (87 ektarya) sa Brgy. Calapi, Hinigaran at ang 367-ektaryang lupain sa Brgy. Camang-Camang, Isabela. Napag-alamang umaabot na lamang sa 411 ektaryang lupain ang naiwan sa kamay ng mga Arroyo.
- Latest
- Trending




















