Tindero ng karne itinumba
KIDAPAWAN CITY – Isang tindero ng karne na si Raul Alvarez, 43-anyos, ang nasawi nang barilin ng isa sa tatlong ‘di kilalang mga armadong lalaki habang pauwi siya sa kanyang bahay sa may Sitio Pinantao, Barangay Sudapin sa Kidapawan City kamakalawa ng gabi.
Ginawa ang pamamaril sa harap ng kanyang asawa at anak.
Binaril ng maraming beses si Alvarez sa harap mismo ng kanyang misis at anak na sakay din ng Honda XLR motorcycle na minamaneho ng biktima nang mga sandaling iyon.
Ayon kay Supt. Chino Mamburam, hepe ng Kidapawan City PNP, binabaybay ng mag-anak ang daan nang biglang lumitaw sa isang madilim na bahagi ang isang Honda XRM motorcycle at barilin ng isa sa mga sakay nito si Alvarez nang siyam na beses gamit ang caliber .9 mm pistol.
Pagkatapos bumagsak, mabilis na kinuha ng mga suspect mula sa nahintakutang misis ang dala-dala nitong itim na bag na naglalaman ng malaki-laking cash na kinita ng mag-asawa sa pagbebenta ng karne ng hayop sa Mega Market.
Pinaniniwalaang hold-up/robbery ang motibo sa pamamaril.(Malu Cadelina Manar)
- Latest
- Trending