3 estudyante nilamon ng ilog
KIDAPAWAN CITY – Nauwi sa trahedya ang sana ay masayang pagsasalo ng magka-kaklase makaraang malunod ang tatlong estudyante sa ilog sa hangganan ng bayan ng Makilala at Kidapawan City sa North Cotabato kamakalawa.
Kabilang sa mga biktimang nasawi ay sina Janely Antipuesto, Precious Taeza ay natagpuang nakalutang sa ilog na sakop ng Brgy. Libertad habang ang bangkay ni Cristan May dela Cruz, 15, ay natagpuan sa bisinidad ng Brgy. Kalunasan sa bayan ng M’lang.
Nabatid na ang tatlo ay 3rd year high school sa Saint Mary’s Academy.
Sa pahayag ni Marlon Ceballos ng 505 Search and Rescue Team ng Kidapawan City, magkasamang naligo sa ilog sa may Landmark ang siyam na mag-aaral ng SMAK para ipagdiwang ang unang anibersaryo ng kanilang pagiging magkaibigan nang maganap ang trahedya.
Napag-alamang ‘di-namalayan ng mga biktima na tumaas ang tubig sa ilog dahil sa patuloy na buhos ng ulan.
Isa sa mga estudyante ang nagbabala sa mga biktima na umahon na dahil sa tumataas ang tubig subalit nagpatuloy sa paglangoy hanggang sa tangayin sila ng malakas na agos ng ilog. (Malu Mnar)
- Latest
- Trending















