De-kuryenteng traysikel inilunsad sa Bulacan
MARILAO, Bulacan –Bilang pagtugon sa lumalalang problema sa polusyon at mataas na presyo ng gasolina, inilunsad ang kauna-unahang de-kuryenteng traysikel (E-trike) sa bayan ng Marilao kahapon ng umaga.
Dinisenyo at minodify ang E-trike ng mag-amang Antonio at Councilor Allan Aguilar ng Brgy. Lias sa nabanggit na bayan.
Napag-alamang pina-aandar ng apat na 12 volts rechargeable batteries ang E-trike na tumatagal ng walong oras at umaabot sa 80 hanggang 100 kilometro ang biyahe.
Gaya ng ordinaryong traysikel, ang E-trike ay nakapaglululan ng apat na pasahero at may bilis na 30 hanggang 40 kilometro kada oras.
Dalawa hanggang anim na oras ang charging time ng ba terya at umaabot ng P150,000 hanggang P175,000 halaga ng kabuuang traysikel, kasama ang mga aksesorya tulad ng battery charging kit, watt hour meter, ampere/voltage meter at built in automatic overcharge protection timer.
Ayon kay Konsehal Aguilar, naitala ng DOTC ang hindi bababa sa 2.8-milyong traysikel sa bansa at ang mga ito ay maituturing na pangunahing contributor ng air at noise pollution.
Ipinaliwanag pa niya na umaabot lamang sa P20 hanggang P25 ang magagastos sa kuryente ng pagkakarga ng E-trike kumpara sa P200 hanggang P250 gastos sa gasolina ng isang ordinaryong traysikel sa pamamasada kada araw. (Dino Balabo)
- Latest
- Trending























