Nautical student itinumba
CAMP CRAME — Binaril at napatay ang isang graduating nautical student ng mga ‘di pa kilalang kalalakihan sa panibagong karahasang naganap kamakalawa ng madaling-araw sa panulukan ng P. Gullas at Mabini Street sa Brgy. Parian, Cebu City.
Ang biktimang nakatakda sanang magtapos sa kursong nautical engineering sa University of Visayas sa Miyerkules ay nakilalang si Junel Sumayang, 24, ng Villa Aurora Compound sa Brgy. Kasambagan, Borbon, Cebu City.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, papauwi na si Sumayang kasama ang kaibigang si Mizraim Olofernez Jr., 22, mula sa videoke bar nang hintuan ng kulay abong kotse na may plakang (TEZ-835). Agad na bumaba ang isang lalaki at binaril sa dibdib si Sumayang habang nakatakbo naman si Olofernes at nakapagkubli sa ‘di kalayuang boarding house ng kanilang mga kaibigan. Naisugod pa sa Cebu City Medical Center ang biktima subalit nalagutan na ito ng hininga.
Sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong alitan ng grupo ng biktima at ilang kabataan sa loob ng videoke bar na pinangalingan ng biktima. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending